Martes, Disyembre 31, 2013

ITLOG AT IBA PA


Kulang ang almusal ko pag walang itlog. Kadalasan ito lang ang makayanan kong iulam. Mura lang kasi. How do you like your egg? Rare? Medium? Well-done?
 Ah, basta! Kapag itlog ang pag-uusapan siguro maluluma nito ang katanyagan ng niyog. Kung ito ay tinatawag na tree of life dahil lahat ng parte nito ay may pakinabang – mula sa dulo ng kanyang dahon hanggang sa kailaliman ng kanyang ugat, ang itlog naman ay di mahuhuli kahit saang perspektibo mo ito ilalagay.
Unang-una, ang itlog ay pagkain. Pwede itong ilaga, iprito o ipangsahog sa iba pang pagkain tulad ng palabok at noodle. Sa katunayan kasangkapan ito sa paggawa ng iba’t ibang klaseng cake.
 Ang itlog, mapasamanok, pugo, bibe o pato ay sagana sa protina. Pero pag sumobra… Bang!
Parang bala ng pistola ang cholesterol na tatama sa iyong sistema.

 Kung naghahanda ka para sa isang paglalakbay at tinatamad kang maghanda ng babaunin, pinakamadaling gawin ay maglaga ng itlog at libre na ang miryenda mo sa daan o kaya’y ang iyong agahan, tanghalian o hapunan. Sa konting tubig o softdrink ayos na ang lahat. Kaya lang kung sa buong araw itlog ang ipinanglaman mo sa iyong tiyan, pagkadighay mo, maamoy mo ang ipot ng manok. Hehehe…

 Ang nilagang itlog ng pugo, maliban sa pwedeng kainin agad pagkabalat ay ipinanghalo sa chopsuey. Maliliit man ang itlog-pugo kinagigiliwan itong kainin ng nakararami. Pinagkakakitaan din ito ng ilan tulad ni Brian na sikat na suki ng mga mahilig sa itlog-pugo. Sa kantina ng paaralan palagi kong napakinggan: Pabili po ng itlog ni Brian. Hehehe… ‘wag marumi ang isip.

 Isa pang natatanging paghahanda ng itlog ay ang pagpapalakas sa mga tuhod ng mga taong nanlalambot - - ang balut at penoy na itlog ng bibe at pato… pagkaing kinasusuklaman ni Doña Victorina dahil naduduwal siya maisip lang na ito’y galing sa mga bibe at pato na mahilig kumain ng kuhol sa Ilog Pasig.

 May pagpreserba ring ginagawa sa itlog – maaring maalat at kinukulayan ng pula o kaya’y ginagawang gelatin tulad ng century eggpizza na parehong panghalo sa iba pang pagkain, tulad ng bibingka at  para sa itlog maalat o kaya’y espesyal na lugaw at iba pa para sa century egg.

Ang itlog ay ipinanggamot din sa may ubo o sa nalipasan ng gutom. Ito’y inilalagay sa labas ng bahay sa gabi upang palamigan sa magdamag. Kinaumagahan, pinahihigop ito sa may ubo. Minsan naman ang itlog ay pinapagulong-gulong sa ibabaw ng mainit-init pang abo. Pagkatapos, pinahihigop ito sa nalipasan ng gutom. Nakakatuwa pero pwede ninyong subukan.

  Sa mga pamahiin, kung may kasayahang ginagawa sa labas at ayaw mong umulan, kailangan daw mag-alay ng itlog kay Santa Clara tulad ng ginawa ni  Governor Gwen Garcia ng Cebu para di maunsiyami ang 12th Asean Summit   . Kung may nagdaos ng kaarawan, palihim mo raw ipukpok sa ulo nito ang itlog upang mabasag at nang humaba pa ang kanyang buhay. Hehehe… ang mga kapatid talaga natin maraming alam gawin sa itlog.

Sa mga palaro naman o parlor games bida rin ang itlog. Halimbawa, ang nakalambitin na talong sa sa pagitan ng hita ng manlalaro na iniindayog paabante at paatras upang tirahin ang itlog sa kanyang paanan. Itutulak ng manlalaro ang itlog gamit ang nakalambitin na talong upang ito’y gumulong papunta sa butas. Meron ding sinasalo ang itlog ng magkabilang panig ng manlalaro. Sa bawat pagkasalo nito ay aatras ng isang hakbang ang magkaharap na manlalaro.

Habang palayo nang palayo ang distansiya ng mga manlalaro, palakas nang palakas naman ang hiyawan ng mga manonood. Kapag di gaanong mahusay ang mga manlalaro, sumasablay ang itlog at tumatama sa daliri, hita, dibdib o mukha ng sumasalo. Kapag ang itlog ay nabasag, nagtatawanan ang mga manonood. Ginawang katuwaan ang itlog. At sigurado, ang kahuli-hulihang itlog na masasalo ng panalo, kahit galing pa sa pugad at kaiitlog lamang ng inahin, ay magiging bugok sa pagkabagok. Kawawang itlog.

 Sa scouting may tinatawag ding egg relay ang mga boy scout. Gamit ang kutsara, ilipat-lipat ng mga manlalaro sa kutsa-kutsara ng kani-kanilang kasamahan ang itlog at iikot sa poste. Pag sinawing-palad at nahulog – basag ang pobreng itlog. Ang hirap isipin kung anong aral ang ipinamalas ng mga tagapamanihala ng boy scouting sa paglapastangang ito sa itlog. Pero ang maganda ay ang cooking contest ng mga girl scout na gamit ang apoy na kiniskis mula sa biyas ng kawayan, supot at mantika sa pagluluto ng itlog. Isang katutubong abilidad at kakayahan ang ipinamalas nito sa oras ng kagipitan – isang kapaki-pakinabang na pananaw ng kababaihan pagdating sa itlog.

 Sa kakaibang paglalapat, masasabing ang pagkakaroon ng pagbabago ay pangigitlog ng
makabagong pamamaraan sa pagsulong ng buhay.
Sa mga usaping pamayanan, kung bawat isa ay mangigitlog ng makabuluhang ideya at ito’y napagsama-sama, ito’y ikabubuti at ikauunlad ng sambayanan.

 Sa pamahalaan, may mga mambabatas na walang alam kundi mangitlog ng bugok – tulad ng iba’t ibang proyekto na di kapakinabangan ng mamamayan. Ang masaklap pa, pinagkagastahan
ito mula sa kabang-yaman ng bayan.

Ang mga oposisyon na malakas kumahol ay natatawag na tagapagtanggol sa interes ng bayan. Ngunit kapag napadila sa palad ng mga makapangyarihan ay biglang aamo at babahag ang buntot. Sa mga Tagalog ang tawag nila rito ay “walang bayag.” Sa mga Cebuano, “puti ang itlog,” na ang ibig sabihin ay duwag at walang paninindigan.  

 Mga pabugso-bugsong desisyon sa pamamalakad ng kaganapan ng bayan – nasaan na ang mga nag-iingay – nasaan na ang mga sumisigaw ng hustisya at katarungan…  Natapos na ang laban ni Nicole sa korte pero nasaan si Smith na hinatulan ng batas ng Pilipinas — batas na walang ngipin… walang bayag…. Walang itlog!

 Hahay ang labo! Ang gulo! Kung gusto mong magrelaks manood ka na lang ng sine. Pero isa rin itong magulo na industriya. Patuloy pa rin ang balahurahan kung ano ba talaga ang batayan ng magandang pelikula — ang tumabo sa takilya o ang kakintalan ng mga malikhaing elemento ng sining. Hehehe… itlog nila’y bugok!

 Pero para masaya, iuugnay natin ang mga pelikulang Pilipino sa itlog gamit ang mga pamagat nito. Halimbawa: LIHIM SA LIKOD NG BUWAN… NAGALIT ANG BUWAN SA HABA NG GABI… KAPAG PUNO NA ANG SALOP… GUMAPANG KA SA LUSAK… PAHIRAM NG ISANG UMAGA… SANA’Y WALA NG WAKAS…

 Ngayon, bigkasin mong muli ang mga pamagat at palitan mo ng salitang ITLOG ang bawat huling salita ng pamagat, ano na? Ito: LIHIM SA LIKOD NG ITLOG… NAGALIT ANG BUWAN SA HABA NG ITLOG… KAPAG PUNO NA ANG ITLOG… GUMAPANG KA SA ITLOG… PAHIRAM NG ISANG ITLOG… SANA’Y WALA NG ITLOG….

 Oops! Huwag naman. Paano na lang kaming mahihirap na kumakapit sa itlog sa araw-araw ng kawalan.

 Ang itlog ay buhay – ang buhay ay itlog. At sa bawat banta ng buhay, katapat n’yan ay itlog lang.